Karagatan

Ikaw ang dagat
na minsa'y pumalaot
sa aking pampang
dala-dala ang iyong mga alon
at ang dampi ng iyong habagat
inangkin mo ang aking isla
tulad ng isang dayuhang
nanakop ng isang bansa

nag-iwan ka ng marka
sa bawat pinto
at nagtayo ng bandila
sa itaas ng mga kubo
upang ipakita sa lahat
na ako'y pag-aari mo


ngunit di ka humingi ng permiso
ni hindi mo tinanong
kung ito ba'y pinahihintulutan ko

basta mo na lang ako
tinangay sa iyong mga alon
ng may pagtatangi
at pag-iingat
hindi ako marunong lumangoy
ngunit tinuruan mo akong
sisirin ang kailaliman ng iyong mga pangarap

At doon ko unti unting nakilala ang bawat butil ng alon mo
nagpakalunod ako
sa pag aakalang ang tubig at ako ay iisa
at may paghahandang di na muling bumalik sa aking isla

Nakalimutan kong
malawak pala ang karagatan
Ako'y isa lang sa mga islang
dinala sa'yo ng kapalaran

katulad ng isang dayuhan
na tapos na sa kanyang pananakop
ibinalik mo ako sa aking pampang
nang walang iniwang salita o pangako






Comments