Naaalala Ko Lahat ng Una at Huli
Naaalala ko
lahat ng una
at huli
unang halik at
unang pagngiti
unang sambit mo
ng pangalan ko
sa iyong mga labi
unang pagtatagpo
ng ating mga kamay
na tila ba may pangakong
di paghihiwalay
unang pag-aaway
at unang pagbati
unang pagpapatawad
sa unang pagkakamali.
Naaalala ko
lahat ng una
at huli
huling liham
at huling salita
huling lambing
at matatamis na kataga
huling tawanan
huling asaran
huling landas
na ating dinaanan
huling tingin
at huling pagkakatabi
ang pagkikita na
siya na rin palang huli.
Naaalala ko
lahat ng una
at huli
pati ang mga nasa pagitan
mga binuong alaala
at larawan
bawat araw, oras at sandali
na ang isa't-isa
ang ating pinili
bawat init ng iyong mga yakap
kasabay sa pagbuo ng ating mga pangarap
bawat masaya at malungkot na sandali
bawat luha ko na iyong pinawi.
Naaalala ko
lahat ng una, huli at pagitan
ang iyong pagdating,
pagmamahal
at paglisan.
written: 4/20/19 11:46 p.m.
Comments
Post a Comment