Magdamag na tinapos ni Ruthie ang article na sinusulat niya para sa school paper nila, deadline na niyon bukas.
Narinig niya ang pagtunog ng Grandfather clock nila na nasa kalagitnaan ng hallway nila. Tiningnan niya ang oras sa cellphone niya. 12 midnight. Kinilabutan siya ng marinig ang tunog ng orasan. Hangga’t maaari ay natutulog siya ng maaga para di maabutan ang pagtunog nito sa gabi. Ngayong gabi lang talaga niya di naiwasan ito dahil sa ginagawa. Itinuon na lang niya ang sarili sa ginagawa. Maya-maya ay naramdaman niya ang pagdampyo ng malamig na hangin sa balat niya. Tumayo siya mula sa kinauupuan at isasara na sana niya ang bintana ng kwarto ng makitang sarado ito, gayon din ang electric fan. Bahagya siyang natigilan pero agad din siyang umupo at ipinagwalang bahala ang naramdaman. Wala pang labinlimang minuto ng makaramdam siya ng tawag ng kalikasan. Nag-alangan siya noong una na pumunta ng banyo dahil nasa dulong bahagi ito ng palapag nila ngunit di rin siya nakatiis kaya inipon niya ang lahat ng tapang niya bago lumabas ng kwarto. Pagbukas ni Ruthie ng pinto ay kadiliman ang sumiwambulat sa kanya. Nasa kalagitnaan ng palapag ang switch sa ilaw ng hallway malapit sa hagdan. Dali-dali niyang tinungo ang switch ngunit di pa man siya nakakalapit rito ay bigla siyang napatid. Tumayo agad siya at binuksan ang switch upang tingnan kung ano ang bagay na nakapatid sa kanya. Wala. Wala siyang nakita sa sahig na maaaring makapatid sa kanya. Pero kani-kanilang ay parang may nakita siyang bata na nagtago sa tabi ng grandfather clock nila. Lumapit siya sa orasan at tiningnan kung may tao sa tabi nito. Wala din siyang nakita. Inisip niya na guni-guni niya lang ang nakita kanina, isa pa, wala naman siyang nakababatang kapatid at sila lang ng mga magulang niya ang tao sa bahay na iyon. Agad niyang tinungo ang banyo sa takot.
Lalabas na sana si Ruthie sa banyo ng makarinig siya ng yapak ng mga paa na parang tumatakbo patungo sa direksyon ng banyo. Biglang kumatok ito sa pinto niya. Sa pag-aakalang ang mama o papa niya ang taong kumakatok ay binuksan niya ito. Ngunit sa pagbukas niya ay walang tao. Tumakbo siya patungo sa kwarto niya at isinara iyon. Bahala na kung may magising ako. Sabi niya sa sarili. Pilit niyang kinalma ang sarili at humiga sa kama niya. Nagdesisyon siyang matulog na lang.
Himbing na himbing na sa pagkakatulog si Ruthie nang magising siya sa tunog ng orasan. Napabalikwas siya ng bangon ng maulinigan na tunog ng grandfather clock nila ang naririnig niya. Tiningnan niya ang oras sa cellphone niya. Nagulat siya ng makita ang oras. 12 midnight. Kinabahan si Ruthie ng makarinig ng yabag ng mga paa na papalapit sa kwarto niya. Binalot niya ang sarili ng kumot at doon nagtago. Narinig niya ang pagbukas ng pintuan ng kwarto. Nakikita niya ang hugis ng taong dahan-dahang lumalapit sa kanya mula sa kumot. Mayamaya pa’y nasa kama na ang taong iyon. Unti-unting binubuksan ang kumot niya. Nakapikit man si Ruthie ay ramdam niya ang presensya ng bagay na lumalapit sa kanya. Hinawakan siya nito sa balikat at malakas na inuyog. Napasigaw siya.
“Ruthie ! Ruthie !” pukaw sa kanya ng papa niya.
“Ayos ka lang ba anak?” tanong pa nito.
Di malaman ni Ruthie ang gagawin at sa sobrang takot ay napayakap na lang siya sa kanyang ama. Hinagod nito ang likod niya.
“Wag ka ng matakot anak.” Sabi ng papa niya.
Tinahan niya ang sarili sa pag-iyak ng makita ang orasan sa pader ng kwarto niya. 11:59 p.m. Bigla siyang kinabahan. Unti-unting umaakyat ang segundo. 56..57..58..59.. 12:00 midnight. Hinintay niya ang pagtunog ng grandfather clock nila subalit wala siyang narinig. Napatingin siya sa ama niyang yakap pa rin siya.
“Bakit anak?.” Nag-aalalang tanong nito sa kanya.
Umiling siya at sinabing, “Wala po pa.”
Ngumiti ang kanyang ama at sa di malamang dahilan ay nakaramdam siya ng kakaibang lamig.
Kunot-noong inilibot niya ang mata sa loob ng kwarto. At nagulantang siya ng makita ang grandfather clock sa loob ng kwarto niya. Natutop niya ang bibig. At itinuro ang orasan sa kanyang ama.
“B-bakit nandiyan yan pa?”
Tumayo ang ama niya at pumunta sa orasan.
“Eto ba anak?.” Nakangiting sabi ng papa niya habang hawak ang orasan. Binuksan ng papa niya ang salamin na nasa ibaba ng orasan kung nasaan ang pendulum. Mayamaya pa’y may inilabas ang papa niya na isang batang lalaki mula sa loob ng salamin. Kung paano nagkasya ang bata doon ay di niya alam. Halos himatayin siya ng makita na duguan ang bata at namumugto ang mga mata nito. Ang ama naman niya ay nakangiti.
Lumingon sa kanya ang ama niya at sinabing, “Anak, kapatid mo nga pala.”
Nais niyang sumigaw at tumakbo pero di siya makagalaw sa kinauupuan niya.Lumapit ang bata sa kanya.
Hinawakan siya nito sa mga balikat sabay sabing, “Ate, gusto mong sumama?.”
Tumunog ang orasan.
Comments
Post a Comment